Malawak ang kalawakan at hindi pa nakakaya ng sangkatauhan, kahit pa sulung na sulong na ang ating siyensiya at teknolohiya ang magalugad kahit ang maliit na porsiyento nito.

Kahit noon pa mang unang panahon, tinitinangala na ng ating mga ninuno ang sangkalawakan at nakahabi na ng sandamakmak na mga kuwento patungkol sa mga nilalang na naninirahan sa kalangitang hindi abot ng kanilang katawan at isipan. Karamihan sa mga salaysay na ito, itinuturing ng modernong mga tao na pawang ilusyon, alamat na walang matibay na batayan sa pisikal na reyalidad, at ang paniniwala sa mga ito ay pagsunod lamang sa pamahiing walang mabuting dulot sa ating makabagong pamumuhay.

Gayon man, hindi maitatangging magpahanggang ngayon, nananatili ang pagkamangha at pasinasyon (fascination) sa ideyang may ibang nilalang umiiral sa ibang panig ng kalawakan at mga sibilisasyong mas moderno at abante kaysa sa atin.

Paghahanap sa mga manlalakbay sa kalawakan na itinuturing ding mga ‘diyos’

Sa nagdaang mga siglo, may mga kuwento na tungkol sa diumano’y mga nilalang na naglalakbay sa kalawakan, sakay ng kanilang mga sasakyang mas mabilis pa kaysa liwanag ang tulin. 

Sinasabi pa nga ng ilang manunulat, gaya nina  Zecharia Sitchin (1920 – 2010) at  Erich von Däniken mga taga-ibang planeta ang nagpasimula at naghubog sa mga sibilisasyon sa daigdig. May mga libro pang naisulat na idinikta, diumano, ng mga nilalang na mula sa malalayong sulok ng ating uniberso gaya ng Urantia Book® na nailathala pa noong 1930 na nagpapaliwanag sa kung paano lumitaw, hindi lamang ang planetang ito, kundi maging ang konsepto ng grand universes at multiverse—bagay na inaaral na rin ng mga siyentista.

Kahit sa huling bahagi ng ika-20 siglo (20th century), naging matindi rin ang pagnanais ng mga siyentista at maging ng mga sandatahang lakas (armed forces), partikular sa US, sa pagtuklas at posibleng pakikipag-ugnayan sa mga nilalang na naninirahan sa ibang mga planetang nasa labas ng ating solar system. May mga dokumentong isinapubliko kamakailan ang US, sa utos na rin ni US President Donald J. Trump, hinggil sa mga naunang pag-aaral sa mga di-matukoy na mga bagay na nangyayari, pumapasok, at lumilipad sa ating himpapawid (skies). 

Pero bago ito, naglathala ang Federation of American Scientists ng isang sanaysay (essay) sa naging papel ng Central Intelligence Agency (CIA) sa pag-aaral patungkol sa buhay sa labas ng planetang ito. 

Mga nilalang sa ibang planeta at ang ating ebolusyon bilang mga kaluluwa

Hindi lang naman ang pagkakaroon ng buhay sa ibang planeta at pakikipagkomunikasyon sa kanila ang pinagtutuunan ng pansin ng mga taong may malalim na interes sa mga paksang ito (UFOs at Unidentified Aerial Phenomena/UAP) kundi ang mahigpit umanong kaugnayan nila sa kung paano tayo dumaan sa mga pagbabago (evolutionary process) bilang mga nilalang na hindi lang may kakayahang mag-isip, gumawa at umimbento ng mga bagay, at magsalita, kundi may kamalayan o Consciousness—isang bagay namang nakaugnay sa espiritu, kaluluwa, at sa batas ng karma at reinkarnasyon. Bagaman ang dalawang konseptong ito ay hindi katutubo (indigenous) sa ating bansa, malalim na rin ang ugat nito sa ating kultura, lalo na sa aspekto ng relihiyon at espirituwalidad, bunsod na rin ng mahabang kasaysayan ng ating ugnayan sa mga Tsino, Indiano, at maging mga Hapón (Japanese). Dagdag pa rito, ang pagdating Western Esotericism at mistisismo na pawang sumusuporta rin naturang mga teorya.

Mahaba ang talakayan sa paksang ito. At sisikapin nating himayin at bigyang katuturan (make sense) ang mga bagay na ito, lalo pa’t pumapasok tayo sa isang panahong kakaiba ngunit kapana-panabik sa punto na maaaring magdulot ito sa atin ng positibong mga pagbabago kung mailalapat lang natin nang husto at wasto ang mga bagay at aral na bitbit ng  panahong darating…

Posted in

One response to ““Bisita” Mula sa “Langit””

  1. […] nakaraang edisyon ng Kutob, nabanggit natin ang tungkol sa mga alien—mga nilalang na pinaniniwalaang mula sa ibang panig ng […]

    Like

Leave a Reply